Day 1-September 26, 2009
Medyo maaga akong nagising para pumasok sa school dahil sa nagbabadyang quiz sa Advac. Ngunit ibang pagbabadya ang sumalubong sa akin pagtanaw ko sa labas ng bahay. Dala ng bagyong “Ondoy”, bahang baha na sa daan. Isang bagay na hindi karaniwang nangyayari sa tapat ng bahay namin. Text dito, text dyan, nagtatanong kung ganun rin ba ang kalagayan sa Maynila. Bandang 9AM, wala pa ring announcement at sabi ni ina huwag na raw akong pumasok. Sa pangambang baka lumala pa ang bagyo at pagbaha, sinunod ko ang sabi niya. Ayos, isang araw na pahinga na naman ‘to, naisip ko. Ngunit tila nagkamali ako ng hinala. Ang karaniwang bagyong inakala kong lilipas din at ang bahang akala ko’y panandalian lang ang nanakot ng daan-daang tao. Habang humahapon, lumalalim ang baha, lumalakas ang ulan, lalong nangangamba ang lahat. Bandang alas dos ng hapon, online pa rin ako, marami nang shoutouts sa Twitter na humihingi ng tulog, mga na-stranded, at kung anu-ano pang trahedyang dulot ni “Ondoy”. Walang anu-ano’y pinatay ko na si Neo, bumaba at tiningnan ang kalagayan sa labas. Tama ang aking takot, malala na nga ang mga pangyayari. Ang bahang sumilip sa aming tahanan ay unti-unti nang pumapasok na tila bisitang walang paalam. Walang pasabi, tuluyan nang umanod ang tubig sa loob ng tindahan at bahay. Mabilisang itinaas lahat ng gamit na pwedeng itaas, mga panindang kailangang sagipin, at kabuhayang ninanakaw ng baha. Salamat na lamang at meron pa ring mga taong handang tumulong, nakakalungkot lang na ang ilan sa kanila ay nakuha pa ring magsamantala sa gitna ng sakuna. Ang tulong palang kanilang iniabot ay may kapalit na hinihintay, sobra-sobra pa. Haaaay buhay. Ilang oras ang lumipas, hindi matapos-tapos ang paglikas at tuluyan nang tumaas ang tubig. Hanggang sa pinasok na nito ang pinakamataas na bahagi ng aming bahay. Ang kusinang lampas-tao ang taas mula sa daan, nadampian na rin ng maitim na tubig. Ang tindahan ay nagmistulang ilog, ang sala ay tila swimming pool ng maitim na tubig. Nakakapanlumo ang tanawin, lalo pa’t nakita kong ang tubig sa daan ay parang dagat, abot-dibdib ang maitim na tubig na umaagos. Pag-aalala ang aking nadama nang makita si mami sa daan, papunta sa kabilang bahay kung saan susubukang iligtas ang sasakyang wala pang isang buwang pagmamay-ari. Ngunit pagbalik niya ay bakas sa mukha ang kawalan ng pag-asa, huli na raw ang lahat at wala ng paraan para maitaas pa. Lahat ng sasakyang nakisilong sa aming garahe, hindi rin nakaligtas, puro pinsala ang tinamo. Nang magdilim ay pinutol na ang kuryente, para sa kaligtasan ng lahat. Binalot ng dilim ang buong lugar, patuloy pa rin ang pag-agos ng tubig na hindi mawari ang pinanggalingan. Ilang oras ang lumipas, hindi namalayang alas-diyes na ng gabi. Kasama ang pagod, baha, at pagkalumo, pinagsaluhan ng pamilya ang tirang ulam mula kaninang tanghali. Habang nagsasalo sa mesang pinaliligiran ng tubig, naalalang si papa ay hindi na nasundo sa ospital. Walang paraan para makapunta doon, walang magawa kundi ipagbilin sa isang kaibigan upang siguraduhing maayos ang kanyang kalagayan. Natapos ang isang araw na tila isang linggo ang lumipas. Sa loob ng kalahating araw, marami ang nangyari, tila bumaliktad ang mundo. Sa kabila ng tubig na bumalot sa buong bahay, kailangan pa ring mamahinga dahil bukas, siguradong mas maraming lakas ang kailangan. Sa gitna ng bahang-bahang kabahayan, sama-sama ang buong pamilya sa iisang kwarto. Nagdasal. Nangangamba. Hindi makatulog sa kabila ng pagod. May bukas pa…
Day 2-September 27, 2009
Pag gising ko, may liwanag na rin. Bumaba agad ako para tingnan kung may pagbabago. Salamat naman at wala na ang tubig sa loob ng bahay. Puro putik ang iniwan, maraming linisin ito. Ngunit sa labas, hanggang tuhod pa rin ang baha. Maraming tao sa labas, nakikibalita sa isa’t-isa, tumutulong kung makakaya. Ang mga tricycle sa araw-araw, napalitan ng bangkang nagtatawid sa mga tao, sampung piso kada tao. Sa dami ng kwento ng karanasan sa araw na nagdaan, hindi magkamayaw ang magkakapitbahay. Merong hindi pa nakakain, merong nabasa lahat ng gamit, walang naisalba ni isa, merong babaeng nanganak at lulan ng isang malaking salbabida dala ang kanyang baby. Pero ang hinding hindi ko kinaya sa lahat ng balitang aking narinig, ay ang balitang merong mga natagpuang bangkay na lumulutang sa may kanto. Sa lakas daw ng alon at agos ng tubig kagabi, may ilang mamamayan ang nalunod at tinangay ng tubig. Sa kagustuhang makauwi, hindi alintana ang panganib nilang sinuong ang malaking baha. Ngunit di sapat ang lakas ng loob para tawirin ang malupit na baha, kinaya man ng isip hindi na kaya ng katawan. Nakakalungkot, nakakatakot, nakakawalang-pag-asa. Habang umaandar ang oras, unti-unting bumababa ang tubig sa daan, patuloy naman kaming naglinis ng bahay. Isang paglilinis na tila hindi magwawakas. Ang mga putik ng kahapon ay tila hindi mauubos. Alas dos na ng hapon nang maisip na wala pa pala sa amin ang kumakain, at si papa ay naiwan pa rin sa ospital. Nakakapagod, nakakaiyak, nakakalungkot ang mga pangyayari. May mas lalala pa ba dito? Wala kaming balita sa ibang lugar dahil nga walang kuryente. Wala akong kaalam-alam na may mga lugar pa palang mas malala ang sinapit. Nang sumapit ang gabi, nagdasal akong muli. Nagpasalamat sa mga biyaya sa kabila ng trahedya. Marami pa rin akong dapat ipagpasalamat. Ang kaligtasan ng aking pamilya, ang pagkaing hindi nawala sa mesa, ang pagtawa sa gitna ng kalungkutan, ang pagkakaisang nakita kanina, ang pag-aalala ng mga taong nagmamahal, at marami pang iba. Hindi pa man tapos ang pinsala ng bagyong ito, nagpapasalamat na ako sa Diyos sa kaligtasang natamo ko at ng mga mahal ko sa buhay. Kasabay nito ay patuloy ko pa ring idinadalangin ang kaligtasan ng ibang tao sa ibang lugar. Napagtanto kong hindi matatapos ang bukas…
Day 3-September 28, 2009
Tapos na rin ang mga paglilinis, wala na ang putik na dala ng baha. Pero may mga naiwan ring bakas ang bagyong nagdaan sa aming bahay. May ilang kasangkapan ang nasira, maraming paninda ang di na uubra, may amoy pa rin ang hangin. Ngayon lang nagkaroon ng kuryente ngunit hindi pa sapat dahil may nasirang mga saksakan, nabasa marahil nung nagbaha. Ngayon lang din ako nakabalita sa internet at TV. Nakakalungkot at nakakatuwa. Nakakalungkot ang makitang maraming parte ng bansa ang nakalugmok pa rin dahil kay “Ondoy”. Nakakatuwa dahil damang-dama ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga taong may maitutulong. Salamat sa Twitter, Facebook, atbp. na nagiging daan para makatulong ang lahat. Kahit na may iilan pa ring walang pakialam, nakakatuwa na ring isiping marami pa rin ang may puso para sa ibang tao. Bumaha man ang tubig at putik, bumabaha rin naman ng donasyon para sa mga nasalanta. Hindi pa matatapos dito ang ika nga’y aftermath ng bagyong “Ondoy”.
Day 4-September 29, 2009
Ngayon, medyo stable na ang marami. Patuloy pa rin ang pagtulong, ang paghahanap sa mga nawawala, ang paglilinis ng mga kabahayan, at ang muling pagbangon ng mga Pilipinong apektado ng bagyo. Hindi man madali ang pagbangon na ito, nasisiguro kong makakaya nating mga Pilipino ang mga araw pang darating. Tatlong araw na tayong naka-survive e, hindi pa ba natin kakayanin?
I must admit, it was a traumatic experience for me. It was the very first time, in my twenty years of existence, that I’ve been in a situation like this. Never pang nangyari ang ganito sa lugar namin, like what others said. Ngayon lang. Kaya nga I can’t help myself from blogging these days of my life. For someone in my shoes, surpassing the past three days is a huge blessing. For others who may not experience “Ondoy” the way I did, you should be more thankful. Let’s all lend a helping hand to those who need our help. Taking pictures of the tragedy, watching TV at the comfort of your own homes, surfing the net and posting stuffs, expressing sympathy to those helpless individuals may not be enough to be thankful of not being in their (victims) places. There are so many ways to help, one is enough. Here are some:
- Open your heart to others. How can you help when you don’t have the heart? First and foremost, you should be willing to be of help.
- Think selflessly. Thinking about JUST yourself won’t do you any good. Reach out and think of them too.
- Be a volunteer. For those who are near those relief centers, such as SagipKapamilya, GMA Foundation, etc., you can walk your way to be of help to them.
- Donate cash and kind. For those who are fortunate enough to share their extra wealth, there are so many ways to reach those in need. Convenience stores within the metro have donation boxes available in their establishments. If you can’t go out, let your fingers do the helping: For donations to The Red Cross, text RED<space>AMOUNT to 2899 (Globe) or 4483 (Smart).
- If all else fail, JUST PRAY. Can’t do anything of the two preceding suggestions? Then PRAY. Pray for those who needs help, those who are helping them, those who can help them but refuse to do so, and all of us. So that we may keep the fire of bayanihan burning in our hearts, so that we can all stand up and rebuild what “Ondoy” has destroyed. JUST PRAY!
Recent Comments